Lamay inararo ng truck sa Batangas; 3 patay

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 12:45 PM | Updated as of Oct 30 2019 08:54 PM

May kargang sako-sakong animal feeds ang truck na sumalpok sa mga biktima sa isang lamayan sa Batangas, Miyerkoles. Larawan mula kay Arjhay Vergara Almaza

ALITAGTAG, Batangas - Tatlo ang patay habang siyam ang sugatan matapos araruhin ng rumaragasang 6-wheel truck ang isang lamay sa Barangay San Jose dito sa bayan, Miyerkoles ng madaling araw.

Isinugod sa ospital sa mga karatig na bayan ng Lemery at Taal ang mga biktima pero dead on arrival na doon sina Armando Atienza, 50, Michael Adaya, 43, at Ligaya de Guzman, 71.

Patungo sa direksyon ng bayan ng Sta. Teresita ang truck na may kargang mahigit 100 sako ng animal feeds nang biglang araruhin ang tent kung saan nandoon ang nakikipaglamay na mga biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naaksidente ang truck matapos ito mag-overtake sa sinusundang sasakyan.

Hindi na nakabawi pa ang truck para maibalik sa tamang lane ang sasakyan dahil nawalan na umano ito ng kontrol sa manibela. Pumaling pa lalo sa gilid ng kalsada ang truck kung saan naman nakatayo ang tent ng lamayan.

Dalawang motorsiklo at isang kotse rin ang napinsala sa aksidente. Tumakas ang driver ng truck. 

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries and damage to property ang driver ng truck. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.