TINGNAN: Puntod na may disenyong M&M's agaw-pansin sa Albay

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 01:16 PM | Updated as of Oct 30 2019 01:22 PM

Agaw-pansin ang isang puntod sa loob ng Oas Catholic Cemetery sa lalawigan ng Albay.

Ito’y matapos pinturahan ang puntod ng kulay brown at lagyan ng disenyo para magmukhang kahon ng M&M's, isang kilalang brand ng tsokolate.

Sa naturang puntod nakalagak ang mga labi ni Jose Relleve na pumanaw noong Marso taong 2011.

Ang kaniyang anak na si Angelle ang nagpadisenyo nito. Aniya, paborito ng ama ang chocolate na ito na palaging ipinapadala o pasalubong ng mga kaaanak sa abroad. 

Hindi ito ang unang pagkakataon na pinapinturahan ng kakaiba ng pamilya ang puntod ng namayapang ama.

Nagsimula silang magpapintura ng mga brand ng mga produktong paborito ng ama noong taong 2013. Sa taong iyon, Adidas brand ang pintura sa puntod. Taong 2014 naman ay Ferrari brand, Starbucks noong 2015, Black Label noong 2016, Lacoste noong 2017, at pabangong Bulgari noong 2018.

Ayon kay Angelle, paraan ito ng pamilya para alalahanin ang namayapang ama.

Kahit pa magastos ang pagpapapintura na inaabot ng mahigit isang araw gawin depende sa mga detalye, masaya pa rin sila sa kanilang taunang regalo para sa ama.

Pero hindi lang ang pamilya ang nasisiyahan dito dahil naging instant atraksyon na rin ang puntod ng kanilang ama sa maraming nagpapa-picture na mga taong bumibisita sa sementeryo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.