TINGNAN: Helmet ng motor gamit bilang proteksiyon sakaling may aftershock

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 03:52 PM | Updated as of Oct 30 2019 05:37 PM

Suot ng mga empleyado ang kanilang motorcycle helmets sa trabaho para magsilbing proteksiyon sakaling may maganap na malakas na aftershock sa lugar. Larawan mula kay Pio Milagrosa Jr.

DAVAO CITY - Isang araw matapos tumama ang magnitude 6.6 na lindol sa Mindanao, nagsuot ng helmet ng motorsiklo ang ilang empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Tagum City habang nasa trabaho bilang proteksiyon sa pangambang may maganap na mga malalakas na aftershock.

Ayon kay Pio Milagrosa Jr., ang siyang nag-upload ng larawan sa kaniyang Facebook account, malakas na pagyanig ang naramdaman niya nitong Martes habang nagsasagawa ng Social Welfare Development Indicator.

Ang pagsusuot nila ng mga helmet ay panigurado lamang lalo’t nag-oopisina sila ngayon sa ilalim ng beach volley dome at nababahala sa aftershocks.

Patuloy ang aftershocks sa lugar at inaasahan itong tatagal nang ilan pang mga araw o linggo, ayon sa Phivolcs. 

Hindi bababa sa 6 ang namatay sa lindol nitong Martes na nangyari halos 2 linggo lamang matapos ang 6.3-magnitude quake na tumama rin sa Mindanao noong Oktubre 16. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.