Teenager na suspek sa panghoholdap ng QC mini-mart sugatan sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 03:12 PM

Sugatan ang isang teenager matapos makipagbarilan umano sa mga pulis sa Quezon City noong gabi ng Martes, sabi ng pulisya ng lungsod.

Ang nasugatang teenager ay suspek sa panghoholdap sa isang mini-mart sa Barangay Holy Spirit noong Linggo, kung saan 2 sa empleyado ng establisimyento ang nasawi sa pamamaril, ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Police Col. Ronnie Montejo.

Nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad noong gabi ng Martes nang matunton ang mga suspek sa Kapalaran Street, Barangay Holy Spirit, ayon sa ulat ng QCPD.

Nagtakbuhan ang iba sa mga suspek nang lapitan ng mga awtoridad habang ang 15 anyos na suspek ay naglabas umano ng baril at nakipagpalitan ng putok sa mga pulis.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang suspek na isinugod sa East Avenue Medical Center.

Nagkasa na ng manhunt operation ang pulisya laban sa ibang suspek.

Nakuha sa crime scene ang isang kalibre .38 na revolver na may 4 bala at 14 fired cartridge case.

Kakasuhan ang teenager na suspek ng direct assault at paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Isasailalim din ang suspek sa kustodiya ng Quezon City Social Services Development Department, ayon kay Montejo.

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.