Sepulturerong konsehal, balik-sementeryo ngayong Undas

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 09:08 PM

TAAL, Batangas — Balik-sementeryo ang sepulturerong konsehal ng Taal na si Arnulfo Garces.

Dahil naka-session break ang Sangguniang Bayan ng Taal, ang konsehal na si Garces, sa loob ng Taal Catholic Cemetery sa Barangay Tierra Alta makikita.

Dito makikitang naglilinis at nagpipintura ng mga nitso ang dating sepulturero.

Ilan sa mga nililinisan at pinipinturahang nitso ni Garces ay sa mga kaanak ng kaniyang tagasuporta. Giit niya, hindi ito pamumulitika kundi pagpapatuloy lamang ng kinagawian na niya.

"Hindi ko po maiwanan eh, ayoko rin na sabihin ng tao na nanalo lang ako tapos iniwan ko na," aniya.

Aabot sa 90 puntod ang kailangang linisin ni Garces hanggang bisperas ng Undas.

“Ganito na talaga kinamulatan ko, 16 palang ako eh ito na ginagawa ko. Ngayon 63 na ako... siguro titigil lang ako 'pag ako ay matandang matanda na," aniya.

Hanga kay konsehal ang mga kabarangay dahil hindi raw nito kinakalimutan ang kaniyang pinanggalingan.

Bigay ng mga kakilala ang mga gamit sa pagpapaganda sa mga nitso kaya hindi na rin sumisingil si Garces sa mga nagpapalinis.

Ang bahagi ng matatanggap na donasyon, idaragdag niya umano sa pondo para mapailawan ang sementeryo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.