Pedicab driver, pinarangalan sa Maynila matapos isauli ang napulot na P1.26-M

Katrina Domingo, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 06:35 PM

MANILA - Pinarangalan ng Lungsod ng Maynila ang isang pedicab driver, Miyerkoles, matapos niyang magbalik ng isang bag na naglalaman ng P1.26 milyon at mamahalin na relo sa isang turista.

Lumapit ang 42 anyos na si Benjie Ordanza kay Konsehal Darwin Sia kamakailan upang ibalik ang isang itim na backpack na naglalaman ng pera at mamahaling gamit, sabi ni Manila Mayor Isko Moreno.

"This type of fellow is very rare," ani Moreno nang ipakilala ang lalaki sa isang press conference.

"Sa hirap ng buhay ng tao, madali mag-asam ng hindi iyo lalo kung walang nakakakita... He could have done other things other than this (returning it). It is literally very rare especially nowadays," aniya.

Matapos ibalik ni Sia ang bag sa negosyanteng Chinese, inabot naman sa kaniya ni Moreno ang pabuyang P100,000. Ayon kay Moreno galing ang gantimpala mula sa kanila ni Vice Mayor Honey Lacuna.

Kalakip ng salapi ay ibinigay din ni Moreno kay Ordanza ang isang personal na jacket at ang pangakong mabibigyan ang pedicab driver ng permanenteng trabaho sa City Hall.

"Ihanap agad ito ng item, 'yung maganda-ganda para mapanatag na ang pamilya niya," ani Moreno.

"Dahil sa kabutihang loob mo, 'yan ang napapala mo. Maluwag mo silang (pamilya) pakakainin sa hapag, may dignidad sa pamumuhay," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.