P40-K halaga ng 'shabu' nasamsam, 3 timbog sa Bacoor buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 03:13 PM

Isang pork vendor ang naaresto dahil umano ay nagtutulak ng ilegal na droga sa Bacoor City, Cavite, sabi ngayong Miyerkoles ng pulisya.

Kinilala ni Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, ang suspek bilang si Wilfredo Palmares, 66 anyos.

Naaresto rin ang mag-live-in partner na sina Marlyn Duran and Arlene Pomasin, na caretaker ni Palmares at umano ay mga drug runner.

Kasunod ng surveillance, nagsagawa ang pulisya ng buy-bust operation laban kay Palmares noong weekend sa Barangay Panapaan III, kung saan nakuha ang P40,000 halaga ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na nagbebenta ng ilegal na droga si Palmares matapos magsagawa ng monitoring ang lokal na pamahalaan sa mga backyard piggery dahil sa pangamba sa African swine fever, ayon kay Cabatingan.

"May nagsabing may nag-aalaga raw ng baboy diyan, at the same time, nagtutulak," ani Cabatingan.

Inamin ni Palmares na gumagamit siya ng ilegal na droga pero itinangging nagbebenta siya.

Itinanggi nina Duran at Pomasin na nagbebenta sila ng ilegal na droga.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.