Aerial survey isinagawa sa mga lugar na napinsala ng lindol sa Cotabato, Davao Del Sur

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 12:03 AM

Nagsagawa ng aerial survey ang tactical Operations Eastern Mindanao Wing kasama ang 39th Infantry Battalion sa mga lugar na napinsala sa Cotabato province at Davao Del Sur kasunod ng magnitude 6.6 na lindol nitong Martes ng umaga.

Sakay sila ng AW 109 attack helicopter ng Philippine Airforce.

Watch more in iWant or TFC.tv

Unang pinuntahan ng grupo ang Tulunan, Cotabato na epicenter ng lindol.

Mula sa himpapawid ay kitang-kita ang malaking pinsala tulad ng sa Barangay Daig kung saan gumuho ang parte ng school building sa Daig Elementary School at ang barangay gymnasium. Makikita rin ang ilang bahay na napinsala.

May ilang bundok rin sa lugar na nagkaroon ng landslide.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa bayan ng Magsaysay sa Davao Del Sur, makikita mula sa chopper ang malaking landslide sa Barangay Tagaytay. Tila umuusok pa ang alikabok mula sa gumuhong lupa at pinaniniwalaang bago pa lang nangyari ang pagguho.

Sa Barangay Upper Bala naman, makikita ang malaking bahagi ng lupa ang gumuho at natabunan ang kalsada ng barangay kaya di na ito madaanan pa.

Watch more in iWant or TFC.tv

Makikita rin ang malaking bahagi ng bundok malapit sa ilog na gumuho at nagsitumbahang mga punong kahoy.

"Number one na pagtuunan ng pansin mga shelter nila kailangan magpo-provide ng shelter kasi 'di sila makabalik sa bahay nila... Pagkain lalo na sa power outage, ilaw, shelter at pagkain ang kailangan," paliwanag ni Lt.Col. Rhojun Rosales, battalion commander ng 39th Infantry Battalion. 

Makikipagtulungan ang mga sundalo sa isasagawang search and rescue operation at clearing operation ng mga lokal na pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.