5 nahulihan ng P1.3-milyong halaga ng 'shabu' sa mall sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 04:56 AM

MAYNILA—Arestado ang 5 katao, kabilang ang isang menor de edad, sa buy-bust operation sa loob ng isang mall sa Pasay City Martes ng hapon.

Nasamsam sa mga suspek ang nasa 200 gramo ng hinihinalang shabu na may halagan P1.3 milyon.

Ayon kay Police Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao, hepe ng Cubao Police Station, target ng kanilang operasyon si alyas Jenny na itinuro na umano'y source ng droga sa mga dating naarestong tulak.

Ilang beses nagpalit ng lugar ang suspek hanggang sa maaresto ito at kaniyang 4 na kasamahan sa mall sa Pasay City.

Itinanggi ni Jenny na sangkot siya sa ilegal na gawain at sinabing malapit niyang mga kaibigan ang mga naaresto.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Jenny at 3 niyang kasamahan habang ituturn-over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad.—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.