Video mula kay Tony Mantilla
Nasunog ang 6 na bahay sa GSIS Village, Barangay Bahay Toro, Quezon City, Lunes ng gabi.
Isang fire volunteer naman ang bahagyang nasugatan sa sunog.
Sumiklab ang sunog alas-9:55 ng gabi at umabot sa ikaapat na alarma. Nakontrol ito ng mga bombero alas-11:05 ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa kusina ng mag-asawang sina Roberto at Aurora Corpus hanggang sa kumalat sa mga katabing bahay.
Ayon sa mga kapitbahay, marami raw kasing iniimbak na kahoy na panggatong sa bahay ng mag-asawa. Dati na rin umano silang inireklamo sa barangay ng mga kapitbahay dahil sa patuloy na paggamit ng kahoy sa pagluluto.
Depensa ng mag-asawa, tinitiyak nilang hindi nagbabaga ang mga panggatong pagkatapos nilang magluto.
Inaalam pa ng mga bombero ang halaga ng pinsala ng sunog. - ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.