Pagtumal ng biyahero sa Undas sinisi sa paglipat ng bus terminals, banta ni Rosita

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 08:48 PM

Watch more in iWantTFC

Kakarampot ang mga biyahero at tila nilalangaw pa rin ang bus terminals sa Metro Manila nitong Martes isang araw bago mag-Undas, malayong malayo sa nakagawian.

Tingin ng mga ticket seller, ang paglipat ng ilang mga bus sa bus port sa EDSA at Pasay ang isa sa dahilan kung bakit matumal ang dagsa ng tao. 

"Iyung ine-expect namin na dami ng pasahero hindi po namin na-meet," ani Remie Salvaña.

"Last year kasi halos puno talaga dito, maraming nagpapa-book. Ngayon halos walang nagpapa-reserve. 'Yung inaasahan naming dagsa sana, wala eh," ayon naman kay Mylene Valanquit.

Isa pa sa dahilan umano ay ang masamang panahon bunsod ng pananalasa sa hilagang Luzon ng bagyong Rosita. 

"Marami nang nagpa-reschedule sa aming pasahero...Nire-reschedule nila sa date na nakalabas na ang bagyo," paliwanag ng ticket seller na si Ugin Magana.

Ang iba naman daw, sa Nobyembre 3 o 4 nagpa-book ng biyahe.

"Gusto ko kasi ang biyahe ko safe ako, ang hirap naman bumiyahe ganito ang panahon," anang pasaherong si Alice Ganancial.

Samantala, nag-inspeksiyon din ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga bus at tiningnan kung nasa ayos ito at hindi nakainom ang mga driver.

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) naman, kanselado ang 16 na flights dahil sa bagyo pero pagbibigyan naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga airline na nagkansela na makalipad Miyerkoles ng madaling araw.

Sa Miyerkoles din inaasahan ng MIAA at mga bus terminal na tataas ang bilang ng mga pasahero kaya todo-ingat at pagbabantay ang mga awtoridad para hindi magkaaberya.

Watch more in iWantTFC

Naging matumal din ang dami ng mga bumisita sa mga sementeryo ngayong Martes dahil sa sama ng panahon. 

Pero isa sa mga sinuong ang malakas na ulan ang pamilya Abando na pilit bumisita sa Manila North Cemetery. 

Kahit may bagyo, hindi raw sila mapipigilang bumisita.

"Siyempre mahal ko siya, nag-iisa lang siya, nangako akong pupunta ako," ani Danilo Abando na binisita ang pumanaw na misis. 

Kasama sila sa mahigit 5,000 bumisita sa sementeryo nitong Martes. 

Paalala naman ng pamunuan ng sementeryo, i-monitor ang lagay ng panahon dahil binabaha ang lugar. Noong Undas 2016 kasi, 100,000 ang nagsiksikan nang lumakas ang ulan.

"Na-stranded ang mga tao dito at hindi makapasok ang mga sasakyan," kuwento ni Daniel Tan, administrador ng Manila North Cemetery.

Kakaunti lang din ang bumisita sa Loyola Memorial Park sa Marikina dahil sa patuloy na pag-ulan.

Sa Manila South Cemetery naman, mahigit 1,000 lang ang dumalaw.

Samantala, naglabas na ng traffic rerouting scheme ang MMDA para sa mga sementeryo na maaaring makita sa kanilang Facebook page. 

Watch more in iWantTFC


Ayon naman sa pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX), sa Miyerkoles ng tanghali o bisperas ng Undas pa ang inaasahan na magkakasabay-sabay ang mga magsisipagbakasyon lalo't karamihan ng opisina ay half day na lang. 

Sa mahigit 200,000 sasakyan na dumaraan sa NLEX kada araw, 10 porsiyento ang inaasahang madadagdag sa Undas holidays. 
    
Kaya naman ang taunang tugon nila ay magdagdag ng toll collection points at portable booths para maiwasang maipon ang mga sasakyan at humaba ang pila. 
    
Mula anim ay puwedeng maging walo ang toll booth sa Mindanao Avenue depende sa dami ng sasakyan. 
    
Sa Balintawak naman, bukas na ang 24 toll collection points pero puwede pa itong madagdagan sa mga susunod na araw. 

Magpapakalat din ng patrol teams sa iba-ibang bahagi ng NLEX at Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) para alalayan ang mga motoristang makararanas ng aberya. 
    
Di gaya ng mga nakaraang taon, ngayon ay puwede nang malaman ang lagay ng trapiko sa NLEX kahit nasa bahay sa pamamagitan ng Facebook live. 

Makakakuha rin ng updates sa kanilang Twitter page sa @nlexexpressways.

Para naman sa mga dadaan ng South Luzon Expressway (SLEX), asahan din ang pagtaas ng volume simula Miyerkoles hanggang Nobyembre 2. 
    
Gaya sa NLEX, puwede ring malaman ang real time traffic situation sa SLEX gamit ang mobile app na Southern Tollways at kanilang social media accounts.
    
Hinihikayat din nila ang mga motorista na magdala ng eksaktong halaga na pambayad ng toll o di kaya'y gumamit ng radio-frequency identification (RFID) para sa mas mabilis na transaksiyon. 

—Ulat nina Raphael Bosano, Jasmin Romero, at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.