Naaresto sa lungsod ng Calamba, Laguna ang isang negosyante na modus umano ang paghalo ng hinihinalang shabu sa ibinebentang bigas.
Hinuli ng Calamba police noong Lunes sa buy-bust operation ang negosyante ng bigas sa palengke na kasama rin umano sa drugs watch-list.
"Ang gagawin niya 'pag bibili ka ng isa, dalawang kilong bigas, nasa loob na 'yong shabu," ani Superintendent Harold Depositar ng Calamba police.
Nakuha sa operasyon ang 17 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang higit P130,000, isang baril at mga bala.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.
Malapit sa pinagarestuhan kay Catindig, nahuli rin ng Calamba police ngayong Martes ang dalawang kargador ng palengke matapos maaktuhang gumagamit ng umano ay shabu.
Inamin naman ng dalawa ang paggamit ng droga dahil kailangan daw nila sa trabaho.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act habang may dagdag na kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang negosyante ng bigas.
--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, krimen, war on drugs, droga, shabu, bigas, palengke, kargador, Calamba, Laguna, TV Patrol, Dennis Datu