Napagtripan? Babae patay sa pambabato ng mga lalaking sakay ng traysikel

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 08:50 PM | Updated as of Feb 24 2020 05:47 PM

Napuruhan ang biktimang si Malou Victorio na noo'y nakaupo sa passenger seat sa harapan ng SUV. Screengrab

Patay ang isang babae matapos pagbabatuhin ang kanilang sasakyan ng grupo ng mga lalaking sakay ng mga traysikel at motorsiklo sa Bgy. San Agustin, Hagonoy, Bulacan. 

Sa kuha ng CCTV, kita ang pagdaan ng isang traysikel kung saan kabuntot niya ang SUV ng mga biktima. 

Watch more in iWantTFC

Sa likod ng SUV ng mga biktima ay makikitang nakusunod din ang tatlo pang traysikel na puno ng sakay. 

Hindi na nakuhanan ng CCTV ang sumunod na eksena kung saan hinarang nila ang SUV at pinagbabato ng mga suspek ang sakay sa loob.

Duguan ang biktimang si Malou Victorio na noo'y nakaupo sa passenger seat sa harapan. 

Nadala pa siya sa pagamutan pero binawian na rin ng buhay. 

Galing lang sa lamay ng kaanak ang mga biktima bago ang krimen. 

"May napansin na kami na nag-overtake na motor tapos bigla na lang kaming pinagbabato. Tingin ko napagkamalan lang kami," giit ni Edwin Victorio, mister ng biktima.

Sa ngayon ay may sinisilip nang posibleng lead ang mga pulis.

"Binalikan namin lahat ng CCTV at may mga witness na nagsasabi na may nakita silang mga sakay ng traysikel boys doon. Iyun po ang lead na sinisilip natin," paliwanag ni SPO1 Frederick Felipe, chief investigator ng Hagonoy police. 

Hustisya naman ang hiling ng pamilya ng biktima.

"Makosensiya naman kayo sa ginawa niyo sa misis ko at sumuko na kayo. Sa mga testigo tulungan niyo po kami parang awa niyo na po para mahuli ang mga suspek," hinaing ni Edwin. 

Nanawagan din ang mga Hagonoy police sa mga posibleng testigo na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan. 

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.