Miyembro ng CAFGU patay sa pamamaril sa Agusan del Norte

Lorilly Awitan, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 06:17 PM


Patay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos pagbabarilin ng 6 na lalaki sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte nitong Linggo ng tanghali.

Nakatakbo pa ang biktimang si Roldan Mansamahan pero ayon sa mga residente, may dalawang lalaki pang sumalubong at bumaril sa kaniya.

Sakay ng kaniyang motorsiklo si Mansamahan kasama ang asawang si Haidee at pauwi sana sa bayan ng Las Nieves nang mangyari ang insidente.

Itinuturo ng militar ang New People's Army (NPA) sa pagpatay kay Mansamahan. Isa umano itong desperadong hakbang, ayon kay Lt. Col. Francisco Molina, commanding officer ng 23rd Infantry Battalion ng Philippine Army.

"It is a desperate move sa New People's Army, they’re trying to prove that they are still [a] force to reckon with," aniya.

Noong 2015, pinatay din ng NPA ang ama ng biktima na si Datu Tahinaan at kapatid nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.