Mahigit P3-M halaga ng hinihinalang shabu, nasabat sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 11:07 PM

ZAMBOANGA CITY—Mahigit P3 milyong halaga ng hinihanalang shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod na ito Martes ng gabi.

Ayon kay Lawin Gabales, regional director ng PDEA 9, iniabot ng suspek sa kanilang ahente ang hinihinalang shabu at dito na siya inaresto.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang sa kaniya. Aniya, napag-utusan lang siya ng isang tao na hindi niya kilala at nangakong bibigyan siya ng P10,000 kapalit ng paghahatid ng pakete sa nasabing lugar.

Hindi rin umano niya alam na may lamang ilegal na droga ang pakete.

Kinompiska rin ng PDEA ang motorsiklong gamit ng suspek.

Ayon kay Gabales, iniimbestigahan pa nila kung courier lang ang naarestong suspect o isa sa mga miyembro ng drug syndicate.

Naniniwala si Gabales na isang malaking sindikato ang nasa likod ng malakihang pagbebenta ng ilegal na droga sa lungsod.

Inaalam pa nila kung saan nagmumula ang suplay ng droga na pumapasok sa lungsod.

Nagpahayag naman ng suporta si Zamboanga City Mayor Beng Climaco-Salazar sa pinaigting na kampanya ng PDEA laban sa ilegal na droga sa lungsod.

Ayon kay Salazar, maglalaan pa siya ng mga karagdagang pasilidad at equipment para sa PDEA, bilang pagsuporta sa kanilang kampanya kontra droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.