Higit 200 residente sa coastal areas ng La Union, inilikas

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 04:52 PM

Pansamantalang sa mga eskuwelahan mananatili ang mga nagsilikas na mga residenteng nakatira sa mga coastal areas bilang pagiingat sa posibleng hagupit ng bagyong Rosita sa lalawigan ng La Union.

BAUANG, La Union – Tinatayang nasa 200 residenteng nakatira sa coastal areas ang tumugon sa ipinatupad na preemptive evacuation ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMC) bilang preparasyon sa bagyong Rosita.

Maaga pa lang ay nag-ikot na ang mga opisyal at tanod ng barangay, at rescuers para hikayatin ang mga pamilya na lumikas.

Handa naman ang mga residente dahil nakabalot na ang kanilang gamit. Lunes pa umano nila narinig na magpapatupad ng evacuation.

Ayaw na umano nilang maulit pa ang naranasan noong mga nakaraang bagyo kung saan nahirapan silang lumikas dahil malakas na ang ulan at wala nang masakyan.

Mananatili muna sa mga eskwelahan ang mga inililikas na pamilya.

May 21 mga barangay sa kabuuang 39 sa bayan ng Bauang ang malapit sa dagat at Bauang River.

Noong bagyong Ompong, umabot sa 4,000 pamilya ang inilikas.

Posibleng hindi raw malayo sa bilang na ito ang kinakailangang ilikas ngayon.

Bukod sa La Union, nakataas din ang signal number 3 sa mga lalawigan ng Ifugao, Nueva Vizcaya, Benguet, Mountain Province, Ilocos Sur at Pangasinan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.