Binatilyo nahulihan ng pulbura sa Batangas port

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 11:00 AM | Updated as of Oct 30 2018 04:55 PM

Papuntang Oriental Mindoro ang binatilyo nang mahulihan ng plastic pouch na naglalaman umano ng pulbura sa Batangas Port.

BATANGAS CITY (UPDATE) – Ililipat na sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 16 anyos na binatilyong nahuling may dalang pulbura na ginagamit sa paggawa ng pampasabog sa Batangas Port, Martes ng umaga.

Sasakay na sana ng barkong patungong Calapan City sa Oriental Mindoro ang binatilyo nang harangin ng security personnel matapos na maamoy ng naka-deploy na K9 unit ang apat na paketeng nasa loob ng bag nito.

Nang tanungin ang binatilyo, sinabi nitong nakuha lamang niya ang mga sachet sa bahay ng kaniyang tiyuhin at gagamitin lamang niya umano sana sa paggawa ng paputok.

Pauwi na sana sa Bongabong, Oriental Mindoro ang bata na galing pa sa Quezon City.

Base sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) station sa Batangas, aluminum powder ang nakumpiska sa binatilyo.

"Nakita namin na ito ay mababang klase ng powder na ginagawang pasabog. Black powder, tawag nga ng iba dito, low power component explosives," ayon kay Lt. Comm. Geoffrey Espaldon, PCG station commander sa Batangas.

Muli namang nagpaalala ang awtoridad na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit tulad ng pampasabog, matatalim na gamit at ilegal na droga sa pagbiyahe.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.