Babae, pinatay ng anak; Chop-chop na katawan, pinakuluan pa

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 04:50 PM

PIGCAWAYAN, North Cotabato – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 61-anyos na babae matapos na patayin ng sarili niyang anak sa nasabing bayan, Lunes ng gabi.

Patay na nang datnang ng kaniyang mister na galing sakahan ang biktima. Nakita ang bangkay sa labas ng kanilang bahay.

Walang saplot at putol-putol na ang bahagi ng katawan nito matapos pagtatagain ng kanilang 36-anyos na anak na lalaki.

Sabi ng pulisya, wala umano sa tamang pag-iisip ang suspek.

“May sakit sa pag-iisip at napa-mental na noon. Dati kinakadena rin siya, pero pinakawalan na kasi okay na daw. Dati nakapag-responde na rin kami sa kanila kasi nanakit nga daw,” ayon kay Senior Inspector Basilio Parcon.

Matapos pagputol-putulin ang katawan, pinakuluan pa umano ng anak ang ilang parte ng katawan ng kaniyang ina.

Sa kulungan, tumanggi nang makipag-usap ang suspek na pangatlo sa walong magkakapatid.

Kuwento ng mga kapatid nito, nabangga ito ng bus noong 2016 at na-diagnose na rin itong may depression. Tatlong buwan umano siyang ginamot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.