Sakay na! Libreng sakay sa e-trike sa Manila North Cemetery ngayong Undas

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2017 03:21 PM | Updated as of Oct 30 2017 04:00 PM

MAYNILA - Ipinagbabawal muna ng Manila North Cemetery ang pagpasok ng mga kotse at motorsiklo sa sementeryo ngayong Undas, lalo't inaasahan na ang pagdagsa ng mga tao doon.

Ayon kay Daniel Tan, administrador ng Manila North Cemetery, hanggang sa kanto ng Blumentritt na lang malapit sa entrada ng sementeryo ang mga sasakyan.

Mula sa gate ng Manila North Cemetery, may mga libreng electronic tricycles o e-trike na aniyang puwedeng sakyan ang mga bibisita sa kanilang yumaong mahal sa buhay.

Kuha ni Niko Baua, ABS-CBN News

Aabot sa 100 e-trike ang handang magserbisyo magdamag sa mga pupunta sa Manila North Cemetery, ayon kay Tan. Ang isang e-trike aniya ay kayang magsakay ng hanggang 10 tao.

Umiikot-ikot lang rin aniya ang e-trike sa loob ng sementeryo kaya maaari ring mag-abang ang mga tao ng masasakyan kapag sila ay lalabas na. 

Ang mga e-trike na ito ay pahiram aniya ng Manila City Hall, ayon kay Tan. Bukod sa e-trike may 100 wheelchair din umanong handang magserbisyo sa mga matatanda at mga may kapansanan.

Aabot sa 2 kilometro ang layo mula entrada hanggang sa dulo ng Manila North Cemetery. Inaasahang papalo sa higit 1 milyong tao ang dadagsa dito ngayong Undas.--kasama ang ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.