Paggamit ng paputok sa mga pampublikong lugar, bawal na sa QC

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2017 10:57 PM

File Photo

Nakaugalian na ang paggamit ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon.

Pero mawawala na ang ganitong klase ng pagsalubong sa Quezon City matapos ipasa ng konseho ang pagbabawal sa paggamit ng firecrackers.

Aprubado na rin ito ni QC Mayor Herbert Bautista noong Oktubre 13.

Ayon kay Councilor Ranulfo Ludovica na nagpanukala ng ordinansa, target nitong maiwasan na ang mga nasusugatan o kaya'y nasasawi dahil sa paputok.

Iwas polusyon na rin aniya at sangkaterbang kalat kung walang magpapaputok.

Sa ilalim ng ordinansa, ipagbabawal na sa buong lungsod ang paggamit ng firecrackers sa mga pampublikong lugar gaya ng mga lansangan, alleys o eskinita, at maging sa mga plaza, basketball court, parke, at mga kahalintulad na lugar. 

Magbabayad ng P5,000 multa at maaaring makulong ng isang taon ang mga lalabag sa ordinansa.

Ang mga opisyal ng barangay ang inatasang magpatupad nito. 

Sinabi naman ng ilang opisyal ng barangay na handa silang tumalima sa ordinansa.

Gagawa ng implementing rules and regulations (IRR) kaugnay ng pagpapatupad ng ordinansa, 30 araw matapos itong aprubahan ng alkalde.

Kapag nailimbag na sa mga pahayagan ang IRR, bibilang ng 15 araw bago ganap nang ipatupad ang ordinansa.

Nauna nang nilagdaan noong Hunyo ni Pangulong Duterte ang kautusang nagsasaad na papayagan na lang ang paggamit ng paputok sa mga community-based fireworks display

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.