OFW na pabalik na sa Qatar, patay sa pamamaril sa Vigan

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2017 10:54 PM

VIGAN CITY - Patay ang isang overseas Filipino worker (OFW) matapos pagbabarilin ng "riding-in-tandem" sa Barangay San Jose, Vigan City.

Kinilala ang biktima na si Edgar Alibin, 51, na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Ngayong Lunes sana ang biyahe papuntang Qatar ng biktima kung saan siya nagtratrabaho bilang isang construction worker.

Ayon sa imbestigasyon ng kapulisan, pauwi na si Alibin sakay ang kanyang motorsiklo nang sundan ito ng mga salarin.

"Kakahatid lang ng biktima ang kanyang girlfriend nang pagbabarilin ito," ayon kay Supt. Marlo Castillo, hepe ng Vigan City police.

Narekober sa crime scene ang dalawang basyo mula sa kalibre .45.

Love triangle ang sinusundang motibo ng pulisya. Mayroon na ring natukoy na persons of interest ang mga awtoridad.

“Hiwalay sa asawa itong biktima at yung girlfriend niya ay widow pero allegedly may ibang nanliligaw,” dagdag ni Castillo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.