Marines mula Marawi, tumanggap ng heroes' welcome

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2017 04:07 PM

MANILA - Sinalubong ng mga rosas, bandila at kanilang mga mahal sa buhay ang mga miyembro ng Philippine Marines na nakipagbakbakan sa mga terorista sa Marawi nang makabalik sa Manila South Harbor, Lunes. 

Tumanggap ng heroes' welcome ang 500 miyembro ng Fleet-Marine Contingent, na parte ng grupong bumawi ng 3 tulay na hawak ng Maute group sa Marawi.

Kabilang sa mga nag-abang sa grupo si Leonor Albuya, maybahay ng isang Marine. Tiniis aniya ang pagkabahala sa lagay ng mister nang ilang buwan, kasabay ng kanyang pagbubuntis. 

Samantala, ibinahagi naman ni Lt. Queen Michelle Duran ng Naval special operations group na napalapit siya sa mga batang bakwit na tinuturuan nila sa evacuation center. 

Nakatulong aniya ang mga ito upang kahit papaano'y maibsan ang pananabik sa 2-taong gulang na anak.

Banggit naman ni Commander John Mangahas ng Naval Air Group: "Siyempre masaya at tapos na ang giyera, bumabalik na sa normal ang ating buhay-buhay."

Pagbabakasyunin ang mga Marines kasama ang kanilang pamilya bago sila sumabak sa retraining, ayon kay Vice Admiral Ronald Joseph Mercado. 

Tinatayang 1,100, karamiha'y mga terorista, ang nasawi sa 5-buwang pagkubkob sa Marawi ng mga gunman na konektado sa Islamic State. 

Natuldukan ang digmaan nitong nakaraang linggo kasunod ng pagkakapatay sa terror leaders na sina Isnilon Hapilon, Omar Maute at Dr. Mahmud Ahmad. 
 
Ayon sa Philippine Navy, gumastos sila ng P1 bilyon para sa bala ng baril at gasolina sa digmaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.