3 tauhan ng towing company, arestado sa pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2017 11:09 PM | Updated as of Oct 31 2017 09:19 AM

(UPDATED) Arestado ang tatlong tauhan ng isang towing company matapos umanong mangikil ng pera sa isang truck driver noong Sabado, Oktubre 28.

Tumirik kasi ang 10-wheeler na minamaneho ng nagreklamong driver sa may Road 10 sa Tondo, Maynila.

Ayon sa driver, unang humingi ng P12,000 ang mga tauhan ng kompanyang accredited umano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Nagkatawaran umano sila hanggang mapababa ang halaga sa P10,500, bagay na nakuhanan ng video ng driver. 

Tinanggal ng mga suspek ang baterya ng truck.

Dito na nagpaalam ang driver na kukuha muna ng pera pero sa tanggapan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na pala ito tumungo para magsumbong.

Kasama na ng driver pabalik sa kaniyang truck ang mga tauhan ng MTPB.

Inabot ng driver sa mga suspek ang perang minarkahan ng mga awtoridad upang ibalik ang kaniyang baterya.

Nang isauli ang baterya, lumabas na ang mga tauhan ng MTPB at inaresto ang tatlong lalaki.

Ang isa sa kanila'y nagpakilalang barangay tanod na may trabaho umano sa MMDA at MTPB.

Nagtawag pa ng mga umano'y padrino ang nagpakilalang tanod.

Kinilala ang mga suspek na sina Richard Gloriane, Raphael Masulibo at Jorie Tumunong.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery extortion.

May karagdagang kasong usurpation of authority ang nagpakilalang tanod matapos mapag-alamang pekeng traffic enforcer lang pala siya.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

EDITOR'S NOTE: Kasama sa update na ito ang detalyeng P12,000 ang una umanong hiningi ng towing company, na kalaunan ay naging P10,500. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.