3 suspek sa pagpaslang sa magkasintahan, arestado

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2017 12:24 PM | Updated as of Oct 30 2017 12:59 PM

MAYNILA - Arestado ang tatlong suspek sa pagpatay sa magkasintahang estudyante sa Rodriguez, Rizal.

Ayon sa pulisya, nahuli ang mga suspek matapos silang ituro ng nakonsensiya nilang kasabwat sa pagpatay kina Charmaine Villarias at John Vincent Umiten, mga estudyante ng Colegio de Montalban.

Bukod sa pagpaslang, hinihinalang ginahasa pa ng mga suspek si Villarias, na itinuturing na "bread winner" ng kanilang pamilya.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Mark Anthony Leonador alyas "Tonton;" Jesus Ubani Jr. alyas "Jojo"; at Michael Sales.

Unang naaresto si Leonador nitong Oktubre 6 dahil sa kaso ng ilegal na droga, ayon sa pulisya.

Inamin ni Leonador sa isang panayam sa lokal na media na kasama siya nina Ubani at Sales sa pagpaplanong nakawan ang 2 biktima.

Tagumpay aniya nilang nanakawan ang dalawa pero si Ubani ang nagpumilit na gahasain si Villarias.

Nagalit umano si Ubani nang magpumiglas si Villarias kaya nilaslas nito ang kanyang leeg at saka pinatay na rin ang nobyo nito.

Parehas nakagapos ang mga biktima nang matagpuan sa liblib na bahagi ng Barangay San Jose.

--ulat ni Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.