PatrolPH

Mga uuwi ng probinsiya para sa mahabang 'Undas weekend,' dagsa sa mga terminal

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2021 08:48 PM | Updated as of Oct 30 2021 08:06 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Kahit sarado ang mga sementeryo hanggang Nobyembre 2 ay sinamantala ng ilan ang long weekend para makauwi sa mga probinsiya habang Undas. 

Nadagdagan man ang mga biyahero hindi pa ito maikukumpara sa mga nakasanayang Undas bago magpandemya. 

Dinagsa ang ilang bus station sa Kamaynilaan, maging ang Ninoy Aquino International Airport. 

Ang pamilya ni Judity Llanilo, uuwi ng Tacloban, Leyte matapos ang dalawang taon. Bakunado naman daw sila lahat maliban sa maliliit na bata. 

Dala rin ng mag-asawang Arnel at Raquel Gumaru ang kanilang dalawang anak. 

"Para maging normal sa bata, kasi sila pinaka nahihirapan eh, 'yung bata na hindi nakakalabas, hindi nakakalaro. So kahit medyo mahal, 'yun muna. Bakasyon muna ngayong Undas," ani Gumaru. 

Pero mahalaga ang biyahe para kay Gumaru na ngayon lang makakauwi matapos pumanaw ang ina noong 2020. 

Nasa 164,498 na ang naitalang departure ngayong Oktubre 2021, na mas marami sa 48,951 noong parehong panahon noong 2020. 

Mas masigla na rin ang malalaking bus terminal gaya ng Parañaque Integrated Terminal Exchange. 

Aminado naman ang mag-asawang senior citizens na sina Mer at Geddy Adriano na mas mahirap at mas magastos ang biyahe ngayon. 

"'Yung antigen P850 na kaagad, biro mo P1,700 na halos kami na ano. Eh may expiration, 2 days lang. Pag, pag ano namin sa Naga kukuha uli kami kaya doble doble ang ano namin, ang gastos namin," ani Geddy. 

Nasa 50,000 ngayon ang pasahero na malayo sa normal na foot traffic ng terminal tuwing Undas holiday na pumapalo sa 75,000. 

Watch more News on iWantTFC

Dumami rin ang mga pasahero sa Batangas Port. 

Kasama rito ang call center agent na si Paul Siazon na uuwi ng Pinamalayan, Oriental Mindoro at hahabol sa libing ng kaniyang tiyo. 

Pauwi na rin si Danilo matapos dumalaw sa puntod ng mga magulang sa Norzagaray. 

Marami rin sa mga pasahero ang dumarayo sa Puerto Galera. 

Ayon kay Batangas Port Manager Joselito Sinocruz, pumapalo na sa 2,000 kada araw ang umaalis na pasahero sa pantalan. Pero mas marami ang dumarating na pa-Maynila na nasa 4,000 hanggang 5,000. 

Dapat ipakita ang vaccination card ng mga pasahero bilang patunay na sila ay fully-vaccinated kung pauwi sa Oriental at Occidental Mindiro. Kung di pa bakunado, dapat magpakita ng negative RT-PCR test result maliban sa Puerto Galera na puwede ang antigen test. 

-- Ulat nina Zen Hernandez at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.