Mga pasahero inaasahang dumagsa sa PITX ngayong Undas

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2021 07:40 AM

Watch more News on iWantTFC

MANILA—Ramdam na sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang pagdami ng mga pasahero ngayong Undas long weekend, ayon sa isang opsiyal nito Biyernes.

Ayon kay PITX government relations head Jason Salvador, pumapalo na sa 50,000 hanggang 55,000 ang bilang ng mga pasahero nila nitong linggo.

Aniya, halos kalahati na ito ng 120,000 hanggang 150,000 na kapasidad ng terminal.

“At tinatantiya nga natin na pataas pa ito papunta dito sa long weekend or sa Undas weekend na tinatawag, kaya naman puspusan pa rin ang pagsasaayos natin ng terminal at pagsisigurado ng mga safety protocols upang sa ganoon, kahit na medyo maraming tao ay hindi naman malagay sa alanganin yung ating mga pasahero,” ani Salvador.

Dagdag niya, bakunado na halos lahat ang empleyado ng PITX maski tenants at lahat ng transport worker na dumadaong sa istasyon.

Pinapayuhan ni Salvador na magsuot ng face mask, face shield at sumunod sa social distancing ang mga pasaherong dadagsa sa PITX.

Aniya, bukas na rin ang ilang mga tindahan at iba pang establisyimento sa PITX. — Teleradyo, 29 October 2021