P88-M shabu nakalagay sa tea bag wrapper, nasabat sa Cavite

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2020 06:13 AM | Updated as of Oct 29 2020 06:18 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nasabat ng pulisya ang mahigit P88 milyong halaga ng shabu sa magkasunod na buy-bust operasyon sa Bacoor City, Cavite noong Linggo.

Nakalagay ang nasamsam na 13-kilong shabu sa mga tea bag wrapper na itinuturing na karaniwang lalagyan ng mga itinutulak na droga ng sindikatong Golden Triangle.

Arestado ang 3 suspek sa magkahiwalay na operasyon ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) at Bacoor City Police.

Sa ulat ng Bacoor Police, unang hinuli sa harap ng isang fast food outlet sa Bgy. Molino 2 ang 2 suspek na sina Bino Sampaco at Javier Mala.

Umabot ng P34 million ang halaga ng nasa 5 kilong shabu na nasa tigki-kilong balot. Nasabat din ang P4 million halaga na buy bust money.

Matapos ang 30 minuto, inaresto naman sa subdivision na tinitirhan nina Sampaco at Mala sa Bgy. Mambog 2 ang isa pang target na si Mira-Ato Macarampat.

Nasabat sa tirahan niya ang 8 kilo o P54.4 milyong halaga ng shabu na nakasilid sa mga tea bag wrapper.

Ayon sa pulisya, magkakasabwat ang 3 suspek sa pagtutulak. Patuloy naman ang imbestigasyon sa kanilang source.

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.