Mahigit 100 buhay na tarantula na isinilid sa sapatos, nasabat sa NAIA

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2020 11:34 PM

Nasabat ng Bureau of Customs ang mahigit 100 buhay na tarantulang isinilid sa rubber shoes. Handout photo.

MAYNILA - Mahigit 100 buhay na tarantula na isinilid sa sapatos ang nasabat ng awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Huwebes.

May 119 na buhay na tarantula na itinago sa rubber shoes ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs-NAIA sa warehouse ng isang forwarding company sa Parañaque City.

Sa ulat ng BOC, nakadeklarang sapatos ang package na ipinadala ng isang Michal Krolicki mula Poland sa isang consignee sa General Trias, Cavite.

Pagdaan sa X-ray machine, napansin ng mga customs examiner na tila may kakaiba sa loob ng package.

Nang buksan, dito na bumungad ang mga makamandag na gagamba na isa-isang isinilid sa plastic vials bago ipinasok sa loob ng pares ng rubber shoes.

Dinala na ang mga gagamba sa Department of Environment and Natural Resources Wildlife Traffic Monitoring Unit.

Noong 2019, nakasabat na ang Customs NAIA ng mahigit 800 iba’t ibang uri ng gagamba na itinago naman sa mga kahon ng oatmeal at biskwit.

Kapag mahuli ang consignee, posible siyang makulong ng hanggang 6 na buwan at pagmultahin ng hanggang 200,000 pesos dahil sa illegal wildlife trading at paglabag sa iba pang batas.

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.