Mga pasahero dagsa na sa Araneta bus station; seguridad hinigpitan

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2019 04:57 PM | Updated as of Oct 29 2019 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinigpitan nitong Martes ang seguridad sa mga istasyon ng bus sa Araneta Center, Quezon City kasabay ng pagdami ng mga pasahero.

Inaasahan ng pamunuan ng Araneta Center Bus Station at Araneta Center Bus Port na aabot sa 6,000 pasahero ang dadagsa sa istasyon ngayong Martes, mula sa 5,000 pasaherong naitala noong Lunes.

Hinigpitan na rin ang security measures sa mga istasyon gaya ng pagtatalaga ng 2 security guard sa mga entrance at mabusising pag-inspeksiyon sa mga bag at iba pang kargamento.

Ayon naman kay Philippine National Police officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa, wala pang banta sa seguridad ng mga transport terminal sa bansa pero handa ang kanilang puwersa sakaling may mangyari.

Ininspeksiyon ni Gamboa nitong umaga ng Martes ang terminal para matiyak na maayos ang seguridad doon.

Paisa-isa ang bumibili ng ticket sa mga ordinary bus sa Araneta Center at marami pang bakanteng upuan, ayon sa mga booker.

Fully booked naman umano ang mga biyahe sa Araneta Center Bus Port simula Miyerkoles.

Ayon kay Mon Legaspi, administrator ng Araneta Center Bus Station at Araneta Center Bus Port, last minute bubuhos ang mga pasahero para sa Undas.

Sinabi rin ni Legaspi na mas pinaghahandaan ng mga biyahero ang Pasko.

Sakali raw na dumami bigla ang mga pasahero, naka-standby naman ang mga ekstrang bus na binigyan ng special permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

-- Ulat nina Zen Hernandez at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.