'Maski bobo' basta honest: pamantayan ni Duterte sa PNP chief

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2019 06:27 PM | Updated as of Oct 29 2019 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Para kay Pangulong Rodrigo Duterte, "honesty" o katapatan ang tanging pamantayan sa pagpili ng susunod na hepe ng kapulisan.

"My only consideration, the only standard, the only thing that I would ask... of the next PNP chief is honesty," sabi ni Duterte sa eksklusibong panayam sa ABS-CBN News noong Lunes.

Kahit hindi nanguna ang isang pulis sa klase sa Philippine National Police Academy (PNPA) o Philippine Military Academy (PMA), pipiliin pa rin umano ito ni Duterte basta ito ay tapat.

"Maski bobo ka, hindi ka number one sa klase mo noon with PNPA or PMA, even if you are the goat of the class but if you are the honest guy, I will go for it," aniya.

Ilan sa mga matunog na pangalan para sa susunod na PNP chief ay sina Lt. Gen. Archie Gamboa, ang kasalukuyang officer-in-charge ng PNP; Lt. Gen. Camilo Cascolan, ang deputy chief for operations; at Major Gen. Guillermo Eleazar, ang directorial staff ng PNP at dating Metro Manila police chief.

"Kung meron kang kaunting, medyo, there's a dent in your reputation, you're done, wala pala. Out," ani Duterte.

Nagbitiw nitong buwan si Albayalde bilang PNP chief kasunod ng pagkakasangkot niya sa isyu ng 'ninja cops' o iyong mga pulis na sangkot sa pag-recycle ng ilegal na drogang nakumpiska sa mga anti-drug operation. 

Inakusahan si Albayalde na pinrotektahan niya ang mga pulis na dawit sa isang maanomalyang operasyon sa Pampanga noong 2013 habang siya ang hepe ng pulisya ng lalawigan.

SUGAT SA AKSIDENTE, REAKSIYON SA WATER CRISIS

Sa parehong panayam, ipinakita rin ni Duterte ang natamong sugat sa kaliwang siko matapos bumagsak mula sa motorsiklo sa loob ng Malacañang compound noong Oktubre 17.

Nawalan umano siya ng balanse habang sakay ng kaniyang motorsiklo. 

"I was trying to maintain the balance. Bumigay 'yong sapatos ko. Noong natanggal 'yung sapatos ko, diretso na so bagsak," kuwento ng pangulo.

Ayon kay Duterte, patuloy siyang magmomotorsiklo sa kabila ng aksidente.

"The rule sa motor is 'pag sumemplang ka, kailangan sumasakay ka ulit kasi kapag hindi, abutan ka ng kaba, then you are done. Takot ka na," ani Duterte.

Ukol naman sa isyu ng krisis sa tubig sa Metro Manila, nanawagan si Duterte sa mga stakeholder na huwag nang pahirapan ang mga tao.

"Stop making it hard for the people there because it's a question of survival of the nation, water," ani Duterte.

Nag-umpisa na ulit magpatupad ang water concessionaires na Manila Water at Maynilad ng rotational water interruption para matipid umano ang tubig sa Angat Dam. 

Nauna nang sinabi ni Duterte na maaari niyang gamitin ang "police power of the state" para matugunan ang isyu sa tubig.

"I do not want to be the bully but if it comes to that, then it should be. Wala talaga tayong magawa, kailangan ang tubig ng tao," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.