Mag-amang suspek sa pagpatay at panghahalay, arestado sa Iloilo

Hernani Escullar Jr., ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2019 02:02 AM | Updated as of Oct 29 2019 08:32 AM

JANIUAY, Iloilo - Arestado ang mag-amang suspek sa pagpatay at paghalay sa isang 19 anyos na babae Lunes.

Kinumpirma ni Police Captain Dadje Delima, hepe ng Janiuay Police, na ang mag-amang sina alyas "John" at menor na edad na anak nitong si alyas "Toto" ang mga suspek sa krimen.

Inamin ni Toto na sinaksak ng ice pick ng kaniyang ama ang biktimang si Ronalyn Brabio bago ito ginahasa.

Matapos halayin ng ama ay pinilit umano siyang halayin rin ito.

Nagtamo ng fracture sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay matapos hanmpasin ni John ng isang matigas na bagay.

Ayon sa pulisya, positibong hinalay ang biktima. Lumalabas rin sa imbestigasyon na magpinsan si John at ang biktima.

Dagdag pa ni Delima, may nauna nang reklamo laban kay John dahil ilang beses na itong nahuling sinisilip ang biktima sa kanilang bahay.

Dahil sa salaysay ni Toto, itinuturing siya ngayong state witness na positibong nagturo sa kaniyang ama na siyang gumawa ng krimen.

Sabado ng gabi nang natagpuang walang buhay ang biktima sa isang liblib na lugar sa Janiuay.

Estudyante ng isang unibersidad sa Iloilo ang biktima at may kursong BS Management. Umuwi lang ito sa kanilang lugar dahil semester break na.

Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang mga damit ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.