Ilang nagtitinda, 'lugi' sa SRP, bagong labeling sa bigas

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 08:25 PM | Updated as of Sep 30 2019 02:12 PM

Watch more in iWantTFC

Sumunod na sa ipinataw na suggested retail price (SRP) ang ilang nagtitinda ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila, gaya ng Kamuning Market at Commonwealth Market sa Quezon City.

Ito ay kahit lugi umano sila dahil mahal pa nila nabili noon ang stock na bigas.

Isa sa may marami pang stock ng bigas ay ang tinderang si Teresita Terrado, at sa pagtataya niya ay aabot sa P200 hanggang P300 kada sako ang malulugi sa kaniya.

"Iyon kasing dating P44 namin, naging P40 siya tapos 'yong P45 naging P44... So nagpalugi kami nang kaunti doon sa mga dati naming stock," ani Terrado.

Sinimulan noong Sabado ang paglalagay ng SRP at panibagong labeling sa bigas.

Base sa naaprubahan ng National Food Authority (NFA) Council, ang mga sumusunod na presyo ang itinakdang SRP ng bigas kada kilo:

  • Imported well-milled: P39 kada kilo
  • Imported premium (PG1): P43 kada kilo
  • Imported premium (PG2): P40 kada kilo
  • Local regular-milled: P39 kada kilo
  • Local well-milled: P44 kada kilo
  • Local premium grade: P47 kada kilo

Wala namang SRP ang special rice.

May ilan ding mga nagtitinda na hindi pa lubusang sumusunod sa bagong utos, partikular na sa pagbabago sa pangalan ng mga bigas dahil may nakikita pa ring Sinandomeng at iba pang bawal na pangalan.

"Wala namang kalituhan sa akin 'yan kaya lang ang nakakalungkot ay malulugi ang aming bili, sa totoo lamang," sabi ng tinderong si Javier Villena.

Regular-milled, well-milled, premium, at special rice na lamang kasi ang mga pinahihintulutang pangalan ng bigas.

Bagaman nanibago rin ang mga mamimili sa mga label, natuwa naman sila sa presyo dahil P38 na lang ang pinakamurang commercial na bigas.

"Nakakalito rin po kasi nasanay kami doon sa may pangalan," anang mamimili na si Cristy Carabbacan.

"Magkakamukha na nga po ngayon pero pag nilapitan mo naman, pag tinitigan mo, iba pa rin," sabi naman ng mamimiling si Delia Palac. 

Pero kahit mura na ang commercial rice ngayon kumpara noong mga nakaraang buwan, mas pinipilahan pa rin ang NFA rice. 

Mas malaki pa rin daw kasi ang matitipid ng mga mamimili sa P27 kada kilo na NFA rice.

--Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.