Hinihinalang nagtutulak ng droga sa mga sundalo arestado sa QC

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 11:39 AM

Photo by Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA - Lima ang arestado nang maaktuhan ng pulisya ang bentahan at paggamit ng droga sa isang bahay sa Barangay Masagana, Project 4, Quezon City, Linggo ng hapon.

Kabilang sa mga naaresto ay si alyas "Rey" na ayon kay Supt. Giovanni Caliao ng Cubao Police Station, isang buwan na nilang minanmanan.

Nakuha mula sa 62 anyos na suspek ang 25 pirasong sachet ng hinihinalang shabu, pati na ang mga paraphernalia sa naaktuhang drug session.

Sabi ni Caliao, mga aktibong sundalo ang ilan sa mga suki ni Rey, lalo't malapit ang bahay niya sa Camp Aguinaldo. Pero itinanggi ng suspek ang paratang ng pulisya.

Pero sa surveillance video na ibinigay ng mga awtoridad, makikita si Rey na nagbebenta ng droga sa isinagawa nilang test buy noong Biyernes.

Ikinalungkot naman ng punong barangay na si Perla Daniega na may naaktuhang drug session sa lugar nila matapos madeklara silang drug-free.

Bukod kay Rey, timbog rin sa operasyon ng pulisya ang kanyang kinakasamang babae, kapatid nitong si alyas "Budang," at dalawa pang kaibigang driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.