Customs ililipat ang pamumuno sa militar: Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 03:11 PM | Updated as of Sep 30 2019 02:39 PM

Watch more in iWantTFC

Inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibibigay na sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang responsibilidad ng pangangasiwa sa Bureau of Customs (BOC) sa gitna ng isyung bilyong-bilyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang naipuslit umano sa bansa.

Binitawan ni Duterte ang pahayag noong Linggo sa talumpati niya sa pagdiriwang ng kaarawan ni dating foreign affairs secretary Alan Peter Cayetano sa Davao City, ilang araw matapos din niyang italagang pinuno ng Customs ang isang dating hepe ng militar.

“It will be a takeover of the Armed Forces in the matter of operating, in the meantime, while we are sorting out how to effectively meet the challenges of corruption in this country,” sabi ni Duterte.

Ipinag-utos ni Duterte noong Huwebes ang paglipat kay dating Customs Commissioner Isidro Lapeña sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at pagtatalaga kay dating AFP chief of staff Rey Leonardo Guerrero bilang bagong pinuno ng BOC.

Ayon kay Duterte, gusto niyang magtalaga pa ng mga sundalo sa BOC si Guerrero.

Gusto rin ni Duterte na mga sundalo ang nasa X-ray division unit na sisilip sa mga container na pumapasok sa bansa sakaling naglalaman ang mga ito ng mga kontrabandong gaya ng ilegal na droga.

Isinailalim niya rin sa "floating status" ang karamihan sa mga tauhan ng Customs dahil dawit daw ang marami sa kanila sa mga kaso ng katiwalian.

"The Coast Guard will take care — all Customs police are also on floating status. Everybody," sabi ni Duterte.

"Almost all of them there have been, in one way or the other, been charged of corruption. Lahat sila may kaso. And yet we cannot just move on because you want to be lawfully correct. So dahan-dahan lang tayo," anang pangulo.

"But with this kind of games they are playing, dirty games, I am forced now to ask the armed forces to takeover."

Nangyari ang pagbalasa ng mga tauhan sa Customs matapos matagpuan noong Nobyembre sa Cavite ang apat na magnetic lifters na hinihinalang naglaman ng shabu.

Nahanap ang mga lifter sa Cavite ilang araw lang matapos masamsam ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 500 kilo ng shabu na isinilid sa dalawang magnetic lifter sa Manila International Container Port.

Noong una ay mariing itinanggi ni Lapeña na naglaman ng shabu ang mga lifter pero kalaunan ay bumaligtad din.

DI PERPEKTONG SOLUSYON

Pero para kay Customs Deputy Collector Lourdes Mangaoang, hindi perpektong solusyon ang paglagay ng Customs sa ilalim ng kontrol ng militar.

Si Mangaoang ang dating hepe ng X-Ray Inspection Project sa Customs na nagsabing ipinagkibit-balikat lang ni Lapeña ang kaniyang ulat na na-detect ng kanilang mga X-ray machine ang umano'y drogang nasa magnetic lifters.

"It’s not the complete solution. It may partly be a good one, but it is not the perfect solution. Temporary maybe, but not the long-term," sabi ni Mangaoang.

Nagbanggit pa si Mangaoang ng mga "kabiguan" ng BOC noong panahon ni dating pangulong Benigno Aquino III, matapos maglagay nito ng mga retiradong heneral bilang deputy commissioner for intelligence at district collectors.

Sa isang tweet, sinabi naman ni Sen. Francis Escudero na sa ilalim ng konstitusyon, maaari lamang tawagin ng pangulo ang militar para sugpuin ang "lawless violence [karahasan], invasion [pagsalakay] or rebellion [o rebelyon]."

Hindi raw, ani Escudero, makikita ang mga salik na ito sa situwasyon sa Customs.

Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi nilalabag ng pangulo ang "civilian supremacy rule" sa utos na AFP ang mamahala sa Customs.

Sa ilalim ng 1987 Constituion, nakasaad na dapat ay mas nananaig ang "civilian authority" kaysa militar.

Ayon kay Guevarra, pansamantalang hakbang lang ang pagsasailalim ng Customs sa AFP para matiyak na hindi makapapasok sa bansa ang mga ilegal na droga, na banta sa kaligtasan ng publiko.

"Putting the Bureau of Customs under the watchful eye of the AFP is a temporary measure to ensure that massive entry of illegal drugs, which threatens public safety, is immediately stopped," ani Guevarra sa isang pahayag.

Dagdag pa ni Guevarra, isa nang sibilyan si Guerrero, na bagong namumuno sa Customs. --May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.