Nagpanggap pang kukuha lang ng lisensiya ang drayber ngunit ilang sandali pa ay hinarurot na nito ang trak upang tumakas. Screengrab
Sugatan ang lima, kabilang ang 6 taong gulang na bata at isang parking attendant ng Manila Traffic And Parking Bureau (MTPB), matapos mahagip ng patakas na truck na minamaneho ng umano'y lasing na driver.
Alas-9 ng umaga Lunes nang makuhanan sa video ang driver ng nakaparadang truck sa gitna ng Road 10, Tondo, Maynila habang sinisita ng MTPB parking attendant na si Joshua Araneta.
Dito na nalaman na tila nakainom dahil amoy alak ang driver na kinilalang si Romeo Odiaman.
Sumakay ito ng truck para umano kuhanin ang kaniyang lisensiya pero doon na pinaandar ng suspek ang sasakyan.
Humawak na sa may upuan ng truck ang isa sa mga enforcer para di makatakas si Odiaman pero bigla nitong sinara ang pinto kaya naipit ang kamay ng enforcer.
Humabol si Araneta sa truck para sumampa at agawin ang manibela pero sa bilis ng patakbo ay humampas ito sa mga nakaparadang pedicab.
Lima ang sugatan na nagtamo ng mga pasa at sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan, kabilang si Araneta at ang anim na taong gulang na bata na nanonood lang ng portable TV sa loob ng pedicab.
Ayon sa mga testigo, pumailalim sa truck ang isa sa mga biktima habang ang batang nakasakay sa pedicab ay tumilapon at naipit ang paa.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit, sinisita lang ng MTPB ang suspek sa kasong illegal parking.
Umamin naman ang suspek na nakainom siya at sinadyang tumakas.
Kakasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple serious physical injuries si Odiamo. —Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, Manila Police District Traffic Enforcement Unit, Maynila, balita, Tondo, Maynila, Manila Traffic And Parking Bureau, MTPB, TV Patrol, Zyann Ambrosio