3 PDEA agents, 1 dating kasamahan 'nanutok, nagpaputok' ng baril, kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 09:53 PM | Updated as of Oct 29 2018 10:31 PM

Kinasuhan nitong Lunes ang tatlong ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at isang dati nilang kasamahan dahil sa panunutok at pagpapaputok ng baril.

Nangyari ang insidente noong Biyernes sa labas ng isang subdivision sa Barangay Pagatpat, Cagayan De Oro City.

Kabilang sa mga sinampahan ng kasong attempted murder, grave threat at physical injury ang PDEA agents na sina Jestonie Tubongbanua, Ramil Salido, at Randy Dotiente, at dating agent na si Marvin Pabalate.

Ayon kay Fel Tagupa, isa sa walong nagreklamo sa apat, bigla silang pinag-initan at pinaratangang kasama sa drugs watch-list.

"Sinakal niya ako at tinutukan ng [baril] sa ulo, sabi niya 'Ano, lalaban ka?' Hindi na ako sumagot. Baka paputukin niya 'yung baril," ani Tagupa.

Kinumpirma naman ng pulisya na nagpositibo sa paraffin test sina Salido at Tubongbanua, na indikasyong nagpapautok sila ng baril.

Narekober sa kanila ang na-issue sa kanilang armas na dalawang M4 rifle at kalibre .45 na baril.

Magsasagawa naman daw ng sariling imbestigasyon ang sangay ng PDEA sa Northern Mindanao region.

"We do not condone such barbaric actions," sabi ng regional director na si Wilkins Villanueva. 

Inaasahang magsasampa rin daw ng kasong theft ang may-ari ng subdivision laban sa apat matapos nilang kuhanin ang CCTV recorder, na magiging ebidensiya sana sa umano ay pananakot nila.

--Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.