Undas sa Davao region, maaring maging maulan

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2017 06:27 PM

DAVAO CITY - Bumuhos ang malakas na ulan Sabado ng gabi sa Davao City na nagresulta sa sobrang trapik at pagbaha sa ilang lugar sa lungsod.

Ayon sa PAGASA Region 11, epekto ito ng intertropical convergence zone na nagdudulot ng pag-ulan sa buong Mindanao.

Dagdag pa ng PAGASA, malaki ang tsansa na uulanin ang Undas lalo’t inaasahan na tatagal pa ang epekto ng ITCZ.

Ayon kay Honey Perez, ang weather observer ng PAGASA-XI, aabutin pa ng limang araw bago ito malusaw.

Nagpaalala naman ang Disaster Office sa Davao City sa lahat ng nagbabalak na maligo sa dagat pagkatapos bumisita sa mga sementeryo na mag-ingat dahil sa masamang panahon.

Noong Biyernes isang 28 anyos na lalaki ang nailigtas matapos itong nalunod sa dagat.

Ayon kay Renante Luna sa Barangay Matina Disaster Risk Reduction Management Council, halos wala nang buhay ang biktima nang kanilang naabutan pero sinubukan pa rin nila itong ma-revive.

Paalala naman ang Davao City Police sa publiko na hangga’t maari ay isa-isang pumunta o bumisita sa sementeryo at huwag iiwanan ang bahay na walang tao dahil tuwing Undas tumataas ang kaso ng pagnanakaw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.