Mga isyung pangkapayapaan, tatalakayin sa pagbisita ni Duterte sa Japan

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2017 06:48 PM | Updated as of Oct 29 2017 07:20 PM

Nakatakdang umalis si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Japan ngayong Linggo ng gabi, para sa dalawang araw na official visit na inaasahang lalong magpapalakas sa ugnayan ng dalawang bansa.

Ito ang ikalawang beses na pupunta ang Pangulo sa Japan.

Inaasahang kabilang sa mga matatalakay sa pagbisita ang mga isyung pangkapayapaan sa rehiyon, partikular na ang tensiyon sa Korean peninsula.

Lunes, Oktubre 30, inaasahang lalapag ang eroplanong sasakyan ng Pangulo sa Haneda Airport sa Tokyo.

Makikipagkita si Duterte kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe, na nanalo sa katatapos lang na halalan.

Matatandaang bumisita si Abe sa Pilipinas noong Enero at pumunta pa siya sa bahay ng Pangulo sa Davao City.

Makikipagpulong din si Duterte sa mga foreign minister ng Japan, mga opisyal ng Japan International Cooperation Agency, at mga mambabatas.

Bibisita rin ang Pangulo sa Emperor at Empress ng Japan.

Nauna nang sinabi ni Japanese Foreign Minister Taro Kano na inaasahang magkakaroon ng kongkretong mga proyekto at pagtutulungan ang Pilipinas at Japan sa aspeto ng impraestruktura, peace process sa Mindanao, pagsupil sa droga at maging sa terorismo para mapaigting ang seguridad sa bansa.

Nataon ang pagbisita sa gitna ng paghahanda para sa APEC Summit sa Vietnam at sa 31st ASEAN Summit na idaraos dito sa Pilipinas.

Noong Hunyo pa dapat magpupunta sa Japan si Duterte, pero kinansela ito kasunod ng sumiklab na gulo sa Marawi. -- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.