6 preso nakatakas sa Laguna jail

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2017 01:50 PM | Updated as of Oct 29 2017 11:11 PM

Larawan ng mga nakatakas na preso. Laguna police

MANILA - Nakapuga ang 6 na preso mula sa Laguna Provincial Jail (LPJ) sa bayan ng Sta. Cruz, Linggo ng umaga.

Oras ng bisita sa mga preso nang tutukan ng isa sa kanila ng kalibre .38 na baril ang jail guard na si Norbert Malabanan, ayon kay Laguna police chief Senior Supt. Cecilio Ison. 

Naagaw aniya ng mga inmate ang armalite rifle ni Malabanan at binaril ito sa mukha. 

Nagkanya-kanyang takas ang 3 preso habang ang 3 pa ay sumakay sa Toyota Revo na nakaparada sa tapat ng pasilidad. 

Kalaunan, narekober ng mga pulis ang Revo sa bayan ng Los Baños matapos itong abandonahin ng mga preso nang makabangga ng isa pang sasakyan. 
 
Kinilala ang mga nakatakas bilang sina Rhandel Vale, Rio Mahilom, Rayman Raymundo, Teddy Bucal, Rommel Macaraig at Verjust Dizon. Nahaharap sila sa magkakaibang kaso tulad ng murder, illegal possession of firearms, carnapping at illegal drugs. 

Nananatili namang kritikal ang lagay ng nabaril na jail guard. -- Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.