PatrolPH

Libo-libo humabol sa mga sementeryo bago ang Oct. 29-Nov. 3 closure

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2021 02:33 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Libo-libo ang inaasahang hahabol pa sa mga sementeryo ilang oras bago ito isara simula Biyernes bilang pag-iingat sa paggunita ng Undas habang may banta ng coronavirus disease (COVID-19). 

Sa Manila Memorial Park, inaasahang dadalo ang nasa 10,000 katao ngayong Huwebes.

Napapalawig ang park hours dahil nagkakabugso ng mga tao tuwing hapon. Alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ang schedule ng sementeryo, pero pinapayagang pumasok hanggang alas-6:30 ng gabi. 

Tiniyak ng pamunuan ng parke na may mga nakalatag silang mga panuntunan sa overcrowding.

Dinagsa rin ang La Loma Cemetery sa Caloocan. 

Pero dumadaing ang mga gumagawa ng kandila sa epekto ng pandemya sa kanilang hanapbuhay, habang nagpapatuloy ang COVID-19 pandemic at limitado ang pagbisita sa mga sementeryo. 

"Lahat nabigla, lalo na po kami, kasi ang aking hanapbuhay ay hindi po essential. Hanggang sa dumating itong panahon na ito naman na October 2021. Ito yung naging pag-asa. Kahit papa'no, may bumibili na. Ok na maluwag-luwag," ayon kay Lutgarda Rosales, may-ari ng Rose's Candles. 

Ang ilang gumagawa ng kandila, gaya ng isa sa Angono, Rizal, ay nagpapalabas ng may iba't ibang disenyo. 

“Kasi po sa panahon natin na millenial na ngayon, kailangan po iba-iba, hindi katulad noong araw na tatlong kulay lang ang kandila," ani Rosales. 

Isasara ang mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang maiwasan ang pagtitipon-tipon ng mga tao na maaaring pagmulan ng hawahan ng COVID-19. 

-- May mga ulat nina Jeck Batallones at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.