MAYNILA—Mismong pinuno ng Presidential Security Group na si Col. Randolph Cabangbang ang nagsabi umano sa Philippine Red Cross (PRC) na wala silang hawak na record ng mga tauhang umano’y nakakuha ng false positive na resulta ng isinagawang RT-PCR tests ng PRC.
Ayon kay PRC secretary-general Elizabeth Zavalla, sumulat siya kay Cabangbang noong October 1 upang hingin ang listahan ng pangalan ng mga tauhan na nakakuha ng false positive na resulta.
“Sumulat ako kay chief Cabangbang, nasaan ang mga pangalan ng 187 na iyan, nasaan ang mga bar code para kung may talagang pagkakamali sa part ng Red Cross ay maitama namin,” aniya.
Ngunit sa nakuhang sagot mula sa hepe ng PSG, walang nabigay na listahan ang grupo na nagbabantay sa Pangulo.
“Yesterday or the other day, they replied to me after I wrote them October 1. Ang sagot lang nila sa amin, ‘Ang PRC ay partner namin for more than a year, tinutulungan kami sa RT-PCR testing, wala po kaming file nitong mga pangalan na ito o iyong mga resulta’,” ayon kay Zavalla.
Iginiit din ni Zavalla na dulot lang ng mga alitan dahil sa pagiging chairman at CEO ng PRC na si Senator Richard Gordon ang mga lumalabas na isyu laban sa humanitarian organization.
Kabilang dito ang pagkakaroon din umano ng false positive na results ng 45 sa 48 na isinagawang RT-PCR swab test sa mga health worker sa Subic Baypointe Hospital.
“Ang nagreklamo, hindi taga hospital, ang nagreklamo ay ibang tao na hindi related sa hospital. Nabanggit ito dahil lang sa may kasalukuyang alitan ngayon na nagaganap at binabato ang Red Cross na ang kasalanan lang dahil ang Chairman niya at CEO ay si Senator Richard Gordon na head ng Blue Ribbon (Commitee). Kung nagkataon na hindi head ng Blue Ribbon si Gordon, walang problema si Red Cross at walang problema yung mga test dahil hindi naman totoo,” giit niya.
Ikinagalit din ni Zavalla ang umano’y mga lumalabas na paninira sa diyaryo at social media.
“So bakit kami nai-advertise sa diyaryo, nasiraan kami sa diaryo, limang diaryo, nasiraan kami sa social media na wala naman palang basehan at hindi nila maibigay sa akin ang pangalan ng 187 na false positive. So dahil lang ito sa alitan, it is not really something na nirereklamo ng taga-hospital,” saad ni Zavalla.
Oktubre 13 nang kumpirmahin ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na valid at mapagkakatiwalaan ang isinagawang RT-PCR test ng PRC at wala ring nakitang ebidensya ng kontaminasyon.
Samantala, pinangunahan din ni Zavalla at mga lokal na opisyal ang ground breaking para sa itatayong blood center sa lungsod ng Santa Rosa, Laguna.
Ayon sa PRC, mas mapapadali ng bagong blood center ang pagkuha ng kinakailangang dugo ng mga mangangailangang pasyente mula sa Santa Rosa, Biñan, San Pedro, at iba pang karatig na lungsod at lalawigan.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Philippine Red Cross, false positive, Elizabeth Zavalla, PSG, Presidential Security Group, COVID-19, Tagalog news