PatrolPH

Ilang transport groups may kondisyon bago bawiin ang fare hike petition

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2021 07:34 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Iaatras lang ng mga transport groups ang hirit na P3 dagdag-pasahe kung tutuparin ng gobyerno ang pangakong ayuda sa mga tsuper at operator na bugbog na sa walang habas na oil price hike.

Kabilang sa hirit ng transport groups ang diskuwento sa mga gas stations, 100-percent passenger capacity, at fuel subsidy.

"Kailangan magkalinawan muna kung ano ang ibibigay at kailan," ani Rolando Marquez, presidente ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP).

"Naka-parking ang aming petisyon at kapag nandiyan na 'yan at naayos na ang lahat ng kahilingan, it's time for us to recall our petition," ani Ober Martin ng Pasang Masda.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Martin Delgra, isusumite na sa Budget department ang mga dokumento para mai-download ang pondo.

Kailangan din daw makipag-coordinate sa Landbank para maayos kung paano ipamumudmod ang nasa P5,000 kada jeep sa kalagitnaan ng Nobyembre.

Kilos-protesta naman ang sagot ng Makabayan group sa walang-puknat na oil price hike.
    
Panawagan nila ay tutukan ng gobyerno ang problema at ibasura ang oil deregulation law, excise tax, VAT, at himayin ang presyuhan ng petrolyo.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.