MAYNILA — Balak ng Commission on Elections (Comelec) na dagdagan ang bilang ng mga iso-sponsor na debate sa Halalan 2022 para makatulong sa pagdedesisyon ng mga botante.
Gaya noong 2016, tatlo pa rin ang presidential debates pero may balak na dagdagan ang dating iisa lang na vice-presidential debate.
Harapan pa rin ang mga kandidato ngunit virtual ang audience dahil sa pandemya.
"Dati may mga live audiences at ngayon hindi na, baka makapagsingit tayo ng mga karagdagang debate. In fact one of the suggestions is damihan 'yung vice-presidential debates... Baka deserving din 'yung position for vice president of a separate series of debates," ani Comelec spokesman James Jimenez.
Hinihimok ng Comelec ang iba't ibang grupo na mag-sponsor din ng sarili nilang debate.
Maglalabas ng debate format at guidelines ang komisyon at ise-certify o ieendorso ang mga debate na susunod dito para mahikayat ang mga kandidato na dumalo.
Samantala, may paalala rin si Jimenez sa mga magpaparehistro lalo't sa Sabado na ang pagsasara nito.
"Make sure tama 'yung dala niyong format, make sure that you've printed it properly on a long bond paper, back to back and make sure na dala niyo na 'yung photocopy ng inyong valid ID," ani Jimenez.
—Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.