Sinubukang ayusin ng ilang pamilya ang kanilang bahay sa Cavite City nang masalanta ng bagyong Quinta. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MAYNILA - Umabot na sa P58 milyon ang halaga ng naging pinsala ng nagdaang bagyong Quinta sa mga kalsada at tulay sa mga probinsyang dinaanan ng bagyo, ayon sa inisyal na assessment ng Department of Public Works and Highways.
Pinakamalaki ang naging pinsala ng bagyo sa mga national roads at tulay sa Cagayan Valley na umaabot sa tinatayang P30 milyon, batay sa datos umaga ng Miyerkoles, Oktubre 28.
Sa Calabarzon, umaabot naman sa tinatayang P20 milyon ang halaga ng pinsala, habang nasa P8 milyon ang naging pinsala sa mga kalsada at tulay sa Bicol Region.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, inialis na ang mga obstructions sa mga kalsada at tulay na dinaanan ng bagyo.
Una na raw sinuyod ng quick response teams ng DPWH ang mga kalsada sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Northern Mindanao.
Naghihintay pa ng bagong update ang DPWH Central office mula sa kanilang mga tauhan sa rehiyon na naapektuhan ng bagyo.
-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, DPWH, infrastructure damage Quinta, QuintaPH, Weather October 2020, Quinta damage assessment, DPWH