MAYNILA - Naantala ang implementasyon ng supplemental immunization kontra tigdas at polio ng Department of Health sa dalawang rehiyon na apektado ng pananalasa ng bagyong Quinta.
Ayon kay Dr. Wilda Silva, National Immunization Program manager ng DOH, naapektuhan ang pagbabakuna nila sa rehiyon ng Mimaropa at Bicol.
Nagsimula nitong Lunes, Oktubre 26, ang unang araw ng supplemental immunization activity ng DOH na tatagal naman hanggang Nobyembre 25.
“Nung unang araw, sa buong Pilipinas, sa buong implementing regions, nakapagtala lang po tayo ng 5 porsiyento na coverage,” sabi ni Silva sa panayam sa TeleRadyo Miyerkoles ng umaga.
Target na mabakunahan ng DOH ang 4 milyong mga bata.
“Ang target nating coverage para ma-reach natin 95 percent after 1 month, at least 8 percent ang aming tina-target kada araw sana,” sabi ni Silva.
Ayon kay Silva, nakapagtala sila ng 5 porsiyento sa unang araw at 6.7 porsiyento naman sa ikalawang araw o kabuuang 11.7 porsiyento sa dalawang araw ng implementasyon ng pagbabakuna.
Sa kabila ng pananalasa ng bagyo, may ilang mga lugar ang nakapag-umpisa sa unang araw.
Maraming mga residente lalo na sa Bicol region ang kinailangang dalhin sa evacuation center bilang pag-iingat sa hagupit ng bagyo.
“Ang napag-usapan kahapon at rekomendasyon ng National Emergency Operation Center sa central office ay i-treat na lang na temporary site 'yung mga evacuation centers kung may mga bata na nandoon,” sabi niya.
“Kapag nagkaroon na naman ng ganitong kalamidad at magsisiksikan na naman sila sa evacuation centers, ito po kinakatakutan natin dahil lubos pong nakakahawa po yung tigdas."
Paliwanag niya na ang isang taong may tigdas ay pwedeng makapanghawa ng 16 iba pa.
Pinaghahandaan na rin nila ang pagpasok ng isa pang bagyo sa bansa. Nakikipag-ugnayan na sila at iaalerto ang partner areas tungkol sa magiging track ng bagyo.
“Kung wala pa dyan at feasible 'yung gagawing pagbabakuna magtalaga na ng maraming vaccinators doon habang maganda-ganda ang panahon para magkaroon man ng aberya sa ibang araw hindi masyadong maapektuhan yung ating vaccination campaign,” sabi niya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
regional news,regions,Tigdas, polio, Wilda Silva, Department of Health, supplemental immunization program, bakuna kontra tigdas, bakuna kontra polio, Tagalog news, Bagyong Quinta, TeleRadyo