2 huli sa umano'y carnapping, droga sa Angeles City

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2020 02:58 PM

Retrato mula sa Angeles City Police Office

Hinuli ng mga awtoridad sa Angeles City, Pampanga ang 2 lalaking dawit umano sa pagnanakaw ng mga motorsiklo at pagmamay-ari ng ilegal na droga.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga suspek bilang sina Joel Mateo, 43, at Felix Navarro, 36, na parehong taga-Malolos, Bulacan.

Nagkasa umano ng operasyon ang mga pulis laban sa mga suspek noong Lunes matapos i-report ng biktimang si Crizel Gamboa ang pagnakaw sa kaniyang motorsiklo sa Barangay Malabanias.

Nakumpiska sa mga suspek ang motorsiklo at nakuhanan din sila ng 2 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P34,000, ayon sa pulisya.

Lumutang din ang isa pang biktima na ninakawan umano ng mga suspek ng motorsiklo sa Bulacan noong Linggo.

Kinasuhan ng carnapping at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

– Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.