Mga nakatira sa loob ng Manila North Cemetery pinaalis

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 05:17 PM | Updated as of Oct 28 2019 06:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inumpisahan ngayong Lunes ng mga tauhan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagpapaalis sa mga taong nakatira sa loob ng Manila North Cemetery, isang hakbang na paghahanda umano para sa Undas.

Nasa 3,000 pamilya ang nakatira sa loob ng sementeryo, ayon sa Department of Public Services ng Maynila. Sila umano ang target ng pamahalaang lokal na paalisin nang unti-unti.

Layon ng clearing operation sa sementeryo, na paluwagin ang Manila North Cemetery bago mag-Undas sa Biyernes.

Ikinalungkot ng ilang nakatira sa sementeryo ang pagbaklas at paggiba sa kanilang mga bahay.

Ayon naman kay Mary Jeng Sta. Maria, isa sa mga nakatira sa sementeryo, tanggap na niya ang sistema na babaklasin ang tirahan pero muli rin silang babalik matapos ang Undas.

Nakiusap din si Sta. Maria sa mga awtoridad na huwag kuhanin ang mga gamit ng mga nakatira sa sementeryo.

Sa kasagsagan ng clearing operation, narekober ng mga awtoridad sa isa sa mga bahay ang mga drug paraphernalia, sumpak at isang kalibre .22 na baril.

Tuwing Undas, mariing ipinagbabawal sa mga sementeryo ang pagpasok ng matatalas na bagay tulad ng kutsilyo, mga armas, sigarilyo, malalakas na speaker at alagang hayop.

Simula Oktubre 31, magpapatupad na rin ng road closure at rerouting sa paligid ng Manila North Cemetery.

May itatalaga rin ang pamunuan ng sementeryo na parking areas para sa mga magdadala ng sasakyan.

Ipinagbawal na rin ang mga vendor sa loob ng sementeryo. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.