Mga biyahero sa Araneta bus terminal matumal pa

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 04:29 PM | Updated as of Oct 28 2019 06:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang araw bago mag-Undas, kakaunti pa ang mga pasaherong pumupunta sa Araneta Center Bus Terminal sa Quezon City para makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

Marami pang bakanteng upuan sa mga biyahe, lalo iyong mga papuntang Visayas, sabi ngayong Lunes ng mga ticket seller.

"Marami pa rin bakante. Matumal pa ngayon," ani Amir Reyes, ticket seller sa EagleStar Transport.

"Dapat inaasahan namin ngayong araw dagsa ang mga pasahero pero hindi pa rin eh," dagdag niya.

Inasahan umano ng pamunuan ng Araneta Center Bus Terminal at Araneta Center Bus Port na aabot sa 5,400 pasahero ang tutungo sa kanila ngayong Lunes.

Isa sa mga nagtungo sa Araneta Center Bus Terminal si Roselyn Doyog, na uuwi sa Sorsogon para sa Undas.

"Kaunti pa lang ang mga tao. Maaga kami kanina," ani Doyog, na kasamang bibiyahe ang kaniyang 2 taong gulang na anak.

Bukod sa Araneta Center Bus Terminal, kakaunti pa lang din ang mga pauwing pasahero sa Araneta Center Bus Port.

Pero ilang biyahe pa-Bicol ang fully booked na hanggang Oktubre 31 sa Araneta Center Bus Port.

Inaasahang dadagsa ang mga pasaherong pupunta ng terminal at bus port simula Miyerkoles, na posible umanong pumalo sa 7,800.

DRUG TEST

Samantala, nagsagawa rin ang Philippine Drug Enforcement Agency at Land Transportation Office (LTO) ng drug test sa mga driver ng bus sa Araneta Center Bus Terminal.

Wala namang nagpositibo kaya lahat ng mga driver ay pinayagang makabiyahe.

Sa Pampanga, apat sa higit 300 driver, konduktor at dispatcher na sumailalim sa drug test ang nagpositibo sa paggamit ng droga.

Nagkaroon din ng drug test sa mga driver, konduktor at dispatcher sa Iloilo City.

Isang driver at isang konduktor naman ang nagpositibo sa Butuan City.

Hindi muna pinayagang makabiyahe ang mga nagpositibo dahil dadaan pa sila sa confirmatory test.

Kapag nagpositibo ulit, irerekomenda ng LTO na kanselahin ang kanilang lisensiya at isailalim sila sa rehabilitasyon.

Mula noong Undas ng nakaraang taon, 2 beses nagsagawa ng surprise drug test ang PDEA sa mga bus terminal sa buong bansa, kung saan umabot sa 213 ang nagpositibo sa paggamit ng shabu at marijuana.

-- Ulat nina Bianca Dava at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.