Mahigit P13-M halaga ng shabu, nasabat sa Naga City

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 09:34 PM | Updated as of Oct 28 2019 09:43 PM

NAGA CITY – Dalawang magkahiwalay na anti-illegal drug operation ang isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Sur nitong Linggo ng gabi sa Central Business District 2 sa Barangay Triangulo, Naga City.

Pasado alas-7 ng gabi, sa labas ng isang mall sa lugar, nahuli ang isang 22 anyos na lalaki sa nagpanggap na buyer.

Ayon kay PDEA Camarines Sur Provincial Director IA V Enrique Lucero, nasa isang kilo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalagang P6.8 milyon ang nakuha sa kaniya. Gamit ng suspek ang isang puting SUV.

“Nakuha sa kaniyang possession ang buy-bust money, boodle money at cellphone na iPhone nung siya ang naaresto," ani Lucero.

Pero sa parehong oras, empleyado naman ng isang bangko sa loob ng mall ang humingi ng tulong sa lokal na pulisya. Isa daw kasi sa kanilang mga kliyente na babae ang nagsabi na biktima siya ng extortion ng sinasabing mga taga-PDEA.

“Merong tawag sa amin na merong extortion sa isang biktima. Nagresponde ang mga pulis natin. Doon inabutan natin ang suspect," paliwanag naman ni Police Colonel Felix Servita.

Babae ang suspek na nagpakilalang asset umano ng PDEA.

Ayon pa sa pulisya, nagsumbong ang biktima na ang P900,000 na kaniyang biglaang iwi-withdraw sa bangko ay pambayad daw kapalit ng paglaya ng 22 taong gulang na lalaki na nahuli ng PDEA sa buy-bust operation. 

Kasama daw kasi ng babaeng biktima ang nahuling suspek na kapwa mula Legazpi City at dumayo lang sa Naga.

Tumanggi sa interview ang biktima at ang babaeng suspek sa extortion.

Pero buwelta ng namumuno ng PDEA Camarines Sur na si Lucero, handa sila sa anumang imbestigasyon.

“Kung totoong nang-e-extort yun, file a case against that person. Allegedly, they are involving us; we are very much willing to submit ourselves for any interview, investigation. And we will cooperate. Initially we will also initiate an investigation who allegedly extort,” dagdag ni Lucero.

Samantala, alas-11 naman kagabi, isa pang buy-bust operation ang isinagawa sa terminal ng van sa parehong lugar.

Nahuli ang tatlong lalaki na isang taga-Legazpi City at dalawang taga-Camarines Norte.

Isang kilong shabu din ang nakuha sa kanila na nagkakahalaga na P6.8 milyon.

Inihahanda na ng awtoridad ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa apat na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.