Mag-ama, patay sa pamamaril sa Camarines Sur

Mae Pulvinar, ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 10:09 PM

Patay ang isang 62 anyos na lalaki at ang anak nitong babae matapos pagbabarilin sa Barangay Binahian sa bayan ng Sipocot, Camarines Sur Lunes ng umaga.

Nakabulagta at duguan nang matagpuan sa gilid ng kalsada ang biktimang si Anacito Mirando. Sa loob ng kuwarto naman sa kanilang bahay natagpuan ang anak nitong si Alona Mirando-Panganiban.

Suspek sa pamamaril sa mag-ama ang bayaw ni Alona na si Alpredo Panganiban.

Sugatan rin ang kapatid ni Alona na si Allan na agad namang naisugod sa ospital. May paso rin sa balikat ang 2 anyos na pamangkin ni Alona matapos tutukan ng baril ng suspek.

Ayon kay Police Major Allan Macoy Jr., binaril rin ni Alpredo ang sarili. Nadala pa siya sa ospital pero binawian rin ng buhay.

Away sa lupa, partikular na sa bahay, ang sinasabing ugat ng krimen.

Ayon sa ina at asawa ng mga biktima na si Delia, nakatira kasi sa iisang bahay ang pamilya ni Alona at ang suspek. Gusto na raw solohin ng suspek ang bahay. Katunayan, naghakot na raw ng mga gamit ang biktima para matigil na ang hindi pagkakaintindihan.

Narekober ng pulisya ang kalibre .45 na ginamit ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.